December 15, 2025 | 12:00am
COTABATO CITY , Philippines — Nasamsam ng hindi unipormadong mga pulis ang abot sa P13.6 milyong halaga shabu sa isang lalaking dealer na nalambat sa Barangay Gusa sa Cagayan de Oro City noong madaling araw ng Sabado.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Linggo ng mga local executives at mga officials ng Police Regional Office 10, nakadetine na ang suspect na magkatuwang na na-entrap ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cagayan De Oro City Police Office at mga tropa ng iba’t ibang units ng PRO 10.
Ayon sa mga senior officials ng PRO 10 at mga kasapi ng multi-sector Cagayan de Oro City Peace and Order Council, agad na inaresto ang suspect ng mga pulis, pinamumunuan ni Major Aldren Estrada Baculio, na kanyang nabentahan ng dalawang kilong shabu, nagkakahalaga ng P13.6 million, sa isang entrapment operation sa Purok 4 sa Barangay Gusa.
Ayon sa mga PRO 10 officials, naikasa nila Baculio at ng mga operatiba ng iba pang mga police units ang buy-bust operation sa tulong ng mga barangay officials at mga impormanteng nagsuplong ng malakihang pagbebenta ng suspect ng shabu sa lalawigan.