Tropang 5G, Gin Kings kakasa na


MANILA, Philippines — Raratsada na ang Commissioner’s Cup fina­lists Talk ’N Text at Barangay Ginebra ngayong araw sa pagbabalik-aksyon ng PBA Season 49 Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Haharapin ng Tropang 5G ang NLEX Road Warriors sa alas-5 ng hapon habang titipanin naman ng Gin Kings ang Terrafirma Dyip sa alas-7:30 ng gabi.

Galing sa pahinga ang Tropang 5G at Gin Kings na nagtuos sa best-of-seven championship showdown sa katatapos na Commissioner’s Cup.

Nagwagi sa naturang serye ang Tropang 5G sa Game 7 upang masungkit ang ikalawang sunod na korona sa season na ito.

Mataas ang moral ng TNT na papasok sa Philippine Cup dahil target nito ang inaasam na Grand Slam win.

Ngunit ayaw pa muna ito isipin ng Tropang 5G lalo pa’t kasisimula pa lamang ng kumperensiya.

Maliban sa solidong lineup nito, ipaparada ng TNT si guard Simon Enciso na nahugot ng tropa mula sa free agent matapos mapaso ang kontrata nito sa San Miguel Beer.

Malaking tulong si Enciso dahil wala si Jayson Castro na sumailalim sa knee surgery kamakailan at mangangailangan ng ilang buwan na pahinga bago makabalik sa aksyon.

Aminado si NLEX head coach Jong Uichico na daraan ang kanyang bataan sa matinding pagsubok para mapataob ang Tropang 5G.

“When a team is a well-oiled machine, I also experienced winning championships, they already know they need to do. They don’t need a lot of practice time. So it’s hard to say we will try to take advantage of their long layoff,” ani Uichico.

May 1-1 rekord ang Road Warriors.

Sariwa pa ito sa 109-95 panalo laban sa Rain or Shine sa kanilang huling laro bago ang Semana Santa.