Turkiye sa quarterfinals | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagpasabog si ace spiker Adis Lagumdzija ng 28 points para gabayan ang World No. 14 Turkiye sa 27-29, 25-23, 25-16, 25-19 pagsibak sa World No. 20 Netherlands sa Round of 16 ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumipa si Lagumdzija ng 25 attacks, dalawang service aces at isang block bukod sa walong excellent digs.

Ang ikaapat na sunod na panalo ng mga Turkish, winalis ang tatlong laro sa Pool G sa group stage, ang nagpasok sa kanila sa quarterfinals.

Nagdagdag si Ramazan Efe Mandiraci ng 14 markers at may 12 points si Mirza Lagumdzija para sa 11th-placer sa World Championships noong 2022.

Tuluyan namang nasibak ang mga Dutch na kumuha ng silver medal noong pang 1994 edition.

Inangkin ng Netherlands ang extended ope­ning set, 29-27, sa likod nina Michiel Ahyi at Bennie Junior Tuinstra bago nakatabla ang Turkiye sa second frame, 25-23.

Ito ang naging buwelo ng mga Turkish para sikwatin ang third set, 25-16, patungo sa kanilang 25-19 pagdispatsa sa mga Dutch.

Kasalukuyan pang nag­lalaro ang World No. 1 Poland at World No. 11 Canada habang isinusulat ito kagabi kung saan ang mananalo ang lalabanan ng Turkiye sa quarterfinals.

Samantala, maghaha­rap ang Argentina at Italy ngayong alas-3:30 nghapon, habang magkikita ang Belgium at Finland sa alas-8 ng gabi sa agawan sa dalawang quarterfinals berths sa MOA Arena.

Bukas ang salpukan ng Bulgaria at Portugal sa alas-3:30 ng hapon kasunod ang upakan ng USA at Slovenia sa alas-8 ng gabi.