Umaasensong OFW, dating street vendors


Malimit, makakakita sa mga bangketa o sa mga kalsada ng mga maliliit na batang naglalako ng mga tsitsirya, sampaguita, kakanin, banana cue, ice candy, nilagang saging, prutas, mani, pugo, gulay, sago o gulaman, mais, balot penoy, plastic bag, mga tinatawag na pagkaing-kalye at iba pa.

Maliliit lang ang tubo nila sa kakarampot nilang paninda pero  sa mura nilang edad, malaking bagay na ito para makatulong sa kanilang pangangailangan, pambaon sa eskuwelahan, o pambili ng pagkain ng kanilang pamilya.Karaniwang lumaki silang maralita, hindi na nakatapos ng pag-aaral, sa halip na makapaglaro ay nagtitiis mabilad sa arawan o maulanan para kumita ng pera, ginagabi sa pagtitinda, maagang sumasabak sa mga pagsubok ng buhay, at sa musmos nilang edad ay maaga silang nalalantad sa iba’t ibang elemento ng lipunan.

Marami rin namang mga matatagumpay na tao na dating street vendors noong bata pa. Dito rin nagsimula ang ilang mga overseas Filipino worker bago sila umangat sa  kanilang buhay.

Tulad ng mga OFW na sina Sugar Silvestre Tiongco, 37 at Eloisa Carpio Oximina.  Umasenso sila sa kanilang mga pinasukang larangan sa bansang United Arab Emirates.

Habang isinusulat ito, si Sugar ay isang assistant director for sales ng Rotana Hotel sa UAE. Ayon sa isang lumang labas ng Global Filipino Magazine, sinasalamin ng posisyon ni Sugar ang kanyang pagtitiyaga at karanasan sa naturang bansa pero ang kanyang tagumpay ay hindi madali dahil dumaan ito sa maraming taon ng pakikibaka, sakripisyo at kasipagan.

Si Eloisa naman ang founder at CEO ng Shelberg Technical Services LLC at IMC Employment Agency & Business Management Consultancy LLC na mga kumpanya na nagseserbisyo sa construction, facilities management, recruitment, and business solutions sa naturang bansa.

Mahilig sa sales si Sugar na nagsimula pa lang sa karanasan niya noong bata pa siya. Musmos pa lang ay nagtitinda na siya ng siomai, gulaman at manggang hilaw sa kanilang bayan sa Bambang. Gustung-gusto niyang nakikiharap sa iba’t ibang mga tao.

Sa edad na 17 anyos ay nagtatrabaho na siya kahit tutol ang mga magulang niya. Naging kahera siya sa isang convenience store, sa isang health and beauty shop bago siya dumayo at nagtrabaho sa UAE noong 2006 kahit hindi siya nakatapos ng pag-aaral. “Ang hangarin ko ay matulungan at masuportahan ang aking pamilya lalo na ang aking lola, tatay at nanay,” sabi niya sa Ingles sa TGFM.

Nagtrabaho muna siya bilang sales assistant, administrative assistant, sales secretary, sales executive at assistant sales manager sa ilang tindahan o hotel hanggang sa magtrabaho siya sa Rotana bilang sales manager bago na-promote bilang assistant director for sales.

Naranasan din nila ng kanyang asawa na magkabaon-baon sa utang. Napilitan silang ipadala muna sa Pilipinas ang kanilang mga anak. Kinalaunan, sa pamamagitan ng dasal at pagtitiyaga, na-promote sa trabaho si Sugar at napabalik nila sa UAE ang kanilang mga anak.

Dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral, kailangan niyang magtrabaho nang dalawang beses. “Dito kasi, kahit minsan mahirap ang buhay, hindi ko masyadong ramdam. Hindi tinitingnan kung ano ang natapos mo. Hindi ako college graduate nang pumunta ako rito pero tinapos ko ito recently dahil alam kong mas may pupuntahan pa ako kapag nakatapos.”

Payo ni Sugar sa kapwa niya OFW, “Basta ang tao ay may mabuting puso, may problems and struggles pero lahat may magandang balik sa atin. Maraming pagsu-bok at maraming taong makakasama natin sa buhay, pero hindi lahat magtatagal at mananatili. Pero pamilya talaga dapat ang una. Ang success hindi by luck—pinaghihirapan lahat. Nagsimula rin ako sa wala, pero hanggang ngayon, tumutulong ako sa pamilya ko kahit may sarili na akong pamilya. And I am sure why I am very blessed—kasi ‘yung goal ko mula noon hanggang ngayon, ay same pa rin. Surviving.”

Una namang dumating bilang OFW sa Dubai sa UAE si Eloisa noong 2006. Sumabak siya sa iba’t ibang trabaho tulad ng office staff at store & Admin Ma-nager. Hinasa niya ang kanyang mga kakayahan sa marketing, corporate management, business development, consultancy, at recruitment hanggang sa makapagnegosyo siya at magtayo ng sarili niyang mga kumpanya- ang  Shelberg Technical Services LLC at IMC Employment Agency & Business Management Consultancy LL.

Noong nasa Pilipinas pa siya, nagsimula siya sa pagiging street vendor. Nagtitinda siya ng mga balut, itlog pugo, espasol at buko pie. Sa edad na 13 anyos, nagtrabaho siya bilang saleslady bago naging service crew, promodiser at kahera sa ilang mga tindahan at mall hanggang sa makarating siya sa Dubai.

Nagdesisyon siyang mangibang-bansa para mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. Sa edad na 20 anyos, “sakripisyo ang ma-ngibang-bansa pero niyakap ko ito nang may determinasyon,” wika niya sa Ingles.

Payo ni Eloisa sa mga  kapwa niya OFW,  “Hindi ka nag-iisa. Bawat pagsubok- sa pera, trabaho, emosyon ay bahagi ng paglalakbay. Sumampalataya, laging magdasal at manindigang bawat hirap ay paghahanda sa bagay na higit na ikakabuti.  Ang tagum-pay ay hindi lang hinggil sa kasipagan. Dapat lumalaki kang matalino at naghahanda sa mas magandang oportunidad. Huwag maging sakim, ibahagi ang kung ano ang meron ka at maging biyaya sa iba. Ang tunay na tagumpay ay nasusukat sa kabutihan, pagmamahal at sa ibubunga nito. Sumulong. Isang araw, magbabalik-tanaw ka at makikita mong karapatdapat ang bawat sakripisyo, pakikibaka at pagsubok.

* * * * * * * * * *

Email – [email protected]