Unang ensayo ng Magnolia kay LA


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sinimulan ni bagong coach LA Tenorio ang pagmamando sa Magnolia sa una nilang ensayo sa San Miguel Corporation (SMC) sports facility sa Pasig City kamakalawa.

Ito ang unang praktis ng Hotshots sa ilalim ng 41-an­yos na si Tenorio dalawang linggo matapos kumpirmahin ni SMC sports director Alfrancis Chua ang paghalili nito kay Chito Victolero.

Siyam na seasons hinawakan ng 49-anyos na si Victolero ang Magnolia tampok ang paghahari sa 2018 PBA Governors’ Cup.

Noong nakaraang linggo ay ginawa ni Tenorio, nag­laro para sa Barangay Ginebra simula noong 2012 na nagbunga ng kanyang pitong PBA titles at tatlong Finals MVP trophies, ang una niyang public appearance bilang bagong coach ng Hotshots sa pagdiriwang ng centennial anniversary ng Magnolia.

Naghahanda ang Hotshots para sa darating na PBA 50th season na didribol sa Oktubre.

Kabilang sa mga nag-ensayo ay sina Paul Lee, Mark Barroca, Jerom Lastimosa, Russel Escoto, Joseph E­riobu, Aris Dionisio at Peter Alfaro.

Kinuha ni Tenorio bilang mga assistant sina American Kirk Collier at Monch Gavieres na katulong niya sa paggiya sa Gilas Pilipinas Youth sa korona ng SEABA Under-16 Championship.

Bukod sa Magnolia ay hawak din ni Tenorio ang Gilas Pilipinas Youth na sasalang sa 2025 FIBA U16 Asia Cup sa Agosto 31 hanggang Setyembre 7 sa Ulaanbaatar, Mongolia.