October 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sumalo sa No. 3 spot sa team standings ang De La Salle University matapos nilang pagulungin ang defending champion University of the Philippines, 72-69 sa pagtatapos ng first round eliminations ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum, kahapon.
Kahit kulang sa sandata dahil may injuries sina key players Kean Baclaan at Mason Amos ay nagawa pa rin ng last year’s runner-up La Salle na makipagdikdikan para makuha ang importanteng panalo at ilista ang 4-3 karta.
Kaparehong karta ng La Salle ang biktimang UP at Ateneo de Manila University.
Pinamunuan ni Luis Pablo ang opensa para sa La Salle sa tinikadang 14 points habang tig-12 puntos ang inambag nina Mike Phillips, Jacob Cortez at EJ Gollena.
Tabla sa 69 ang iskor sa fourth period, umiskor si Vhoris Marasigan ng pandiinang dalawang puntos at isang free throw ni Phillips para hawakan ng Green Archers ang 72-69 advantage may 13 segundo na lang sa orasan.
Nagkumahog naman ang UP sa opensa sa sumunod na play, nagmintis si Chico Briones sa kanyang three-pointer na tira kaya nakuha ng La Salle ang panalo.
Sa unang laro, kinalsuhan ng Far Eastern University ang two-game losing streak matapos nilang suwagin ang University of the East, 95-76.
Nakitaan ng determinasyon ang FEU nang dominahin nila ang buong laro upang mapaganda ang kanilang karta sa 2-5 at tumapos ng seventh place sa first round eliminations.
Nagtulungan sa opensa sina Jorick Bautista at Janrey Pasaol upang ibalik ang FEU sa win column at manatiling may tsansa sa playoff.