Pilipino Star Ngayon
August 25, 2025 | 12:00am
MANDAUE CITY, Cebu , Philippines — Pinatumba ng University of San Carlos ang University of Southern Philippines Foundation, 22-25, 25-17, 25-23, 25-14, para sa podium finish sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals Cebu Leg kahapon dito sa Mandaue Sports Complex.
Bumangon ang Lady Warriors mula sa first set loss para balikan ang Lady Panthers sa rematch ng Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. (CESAFI) Season 24 championship.
“Siguro ‘yung eagerness ng mga girls na lang, ‘yung eagerness nila noong second set, tumaas. Noong first set, nag-a-adjust pa eh,” sabi ni USC coach Grace Antigua.
Tinapos ng Lady Warriors, nauna nang tinalo ang Ateneo de Manila University Blue Eagles noong Sabado, ang torneong itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea sa 2-1 record.
Maaari pang sumegunda ang reigning CESAFI champion kung mananalo ang Adamson Lady Falcons sa Blue Eagles kagabi.
“Malaking bagay talaga, and thankful kami na nagpunta rito ‘yung Shakey’s Super League. Kasi ito ‘yung parang preliminary game namin before Cesafi,” dagdag ni Antigua na miyembro ng national team na nanalo ng gold medal sa 1981, 1985 at 1987 Southeast Asian Games.
Humataw si Ghanna Suan ng 14 points para sa Lady Warriors habang may 11 at 10 markers sina middle blocker Angel Galinato at Juliane Yu, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 0-3 pagkakaiwan sa fourth frame ay inagaw ng USC ang 10-3 bentahe patungo sa 21-12 pagbaon sa USPF.
Isinara ng Lady Panthers ang kanilang kampanya sa 0-3 marka.
Pumalo si Katrina Inot ng 17 points para sa USPF kasunod ang 14 markers ni Cherish Dayame habang may tig- 10 points sina Kaye Bunao at Faith Salbador.
Magtatapos ang three-leg tournament sa Batangas sa Agosto 29 hanggang 31.
Sasalang ang NCAA champion College of St. Benilde, Letran, Far Eastern University at University of Batangas para sa titulo ng torneong suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
