October 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kinapitan ng University of Sto. Tomas sina Nic Cabañero at Forthsky Padrigao sa opensa sa kanilang huling laro kung saan ay tinalbos nila sa triple overtime game ang Ateneo de Manila University noong Sabado ng gabi.
Kaya naman asahang muling huhugot ng puwersa ang Growling Tigers kina Cabañero at Padrigao upang kaldagin ang Far Eastern Univerity ngayong araw sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa alas-4:30 ng hapon ang bakbakan ng UST at Tamaraws, pagkatapos ng salpukan sa pagitan ng last year’s runner up De La Salle University at University of the East sa alas-2 ng hapon.
Sakaling masakmal ng UST, (4-1) ang FEU ay sasaluhan nila sa tuktok ng team standings ang National University na may 5-1 record.
Maliban kina Cabañero at Padrigao, kakapitan din ng España-based squad ang matikas na laro nina Collins Akowe at Gelo Crisostomo.
Tumikada si Cabañero ng 22 points, tig-20 ang kinana nina Padrigao at Akowe habang 18 ang binakas ni Crisostomo nang sikwatin ang mahirap na panalo laban sa Blue Eagles sa huling laro.
Samantala, nais ng La Salle na kalsuhan ang two-game skid subalit paniguradong dadaan sila sa butas ng karayom dahil uhaw sa panalo ang Red Warriors.
May 2-3 card ang DLSU habang bokya pa rin sa panalo ang UE sa limang salang.