MANILA, Philippines — Lutang na lutang ang pagiging matikas ni reigning Rookie of the Year Angeline “Angge” Poyos kaya naman nasa pangalawang puwesto ng team standings ang University of Sto. Tomas.
Pakay ni Poyos at ng Golden Tigresses na sakmalin ang pang-apat na sunod na panalo pagharap nila sa University of the Philippines ngayong araw sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil EcoOil Centre, San Juan.
Magsisimua ang paluan ng UST at UP sa alas-4 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng University of the East at Far Eastern University sa alas-2 ng hapon.
Matapos matisod sa unang laro ang UST sa FEU, 19-25, 25-16, 14-25, 20-25 noong Pebrero 15 ay agad silang bumangon upang ikadena ang three-game winning streak.
Tangan ang 3-1 karta, nasa solo second place ng team standings ang España-based squad habang mag-isa sa tuktok ang defending champions National University hawak ang malinis na apat na panalo.
Sa huling laro ng Golden Tigresses kung saan ay tinalo nila ang tigasing Adamson University 25-21, 20-25, 25-13, 27-25, nagtala si Poyos ng 21 points mula sa 20 attacks at isang block kasama ang walong excellent receptions.
Maliban kay Poyos, huhugot din ng puwersa si UST head coach Emilio Reyes Jr., kina Regina Grace Jurado, Margaret Altea at Athena Sophia Abbu.