Valdez palaban sa PVL Reinforced


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ilang kampeonato na ang humulagpos sa kamay ng Creamline Cool Sma­shers sa mga nakalipas na kumperensiya ng Premier Volleyball League.

Dominante ang Cool Smashers na kung saan apat na sunod na kam­peo­nato ang naitarak na nito  sapul noong All-Filipino Conference noong 2023.

Nasundan ito ng isa pang kampeonato noong 2024 All-Filipino Confe­rence, 2024 Reinforced Conference at 2024 Invitational Conference.

Naputol ang winning streak ng Cool Sma­shers nang magkasya ito sa runner-up trophy noong 2025 All-Filipino Confe­rence matapos yumuko sa Petro Gazz sa finals.

Mas lalo pang bumaba ang puwesto ng Creamline nang magtapos ito bilang bronze medalist sa 2025 PVL On Tour at 2025 Invitational Conference.

Kaya naman desidido si team captain Alyssa Valdez na muling maibalik sa tuktok ng podium ang Cool Smashers sa oras na magbalik-aksyon ang PVL Reinforced Conference sa Martes.

Nananatiling mataas ang moral ng Cool Sma­shers sa kabila ng mga pagsubok ng kanilang tropa.

Ayon kay Valdez, ma-gandang experience ito para sa kanila upang mu-ling buhayin ang kanilang winning formula.

“Ito yung magfu-fuel sa amin. mas motivated pagdating sa bagong conference,” ani Valdez.

Malaking tulong ang pagbabalik nina MVP Tots Carlos at middle blocker Bea De Leon na hindi nasilayan sa nakalipas na kumperensiya.

Malaking tulong pa ang pagpasok ni American outside hitter Courtney Schwan na magsisilbing import ng Cool Smashers.