Vinoya, Camingao winner sa PhilCycling-Tagaytay crits U23


MANILA, Philippines — Bumandera sina Claire Wenizah Vinoya at Rush Camingao sa kanilang mga dibisyon sa Day 2 ng PhilyCyling Tagaytay City Criterium 2025.

Mag-isang tinawid ni Vinoya ng continental team Standard Insurance Philippines ang finish line sa harap ng bagong tayong Tagaytay City Velodrome sa Crisanto de los Reyes Avenue para angkinin ang gold medal at P8,000 cash prize sa Women’s Under-23 category.

Iniwanan ni Vinoya sina Angelica Mae Altamarino at Kim Bonilla na nakuntento sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.

Kinumpleto nina Ange­lica Elvira at Angela Joy Marie Bermejo ang top five ng women’s race na naglatag din ng cash prizes sa event na bahagi ng pagdiriwang ng Tagaytay City 87th Charter Day anniversary.

Pumadyak naman si Camingao ng Victoria Sports Pro Cycling team sa sprint para pangunahan ang Men’s Under-23 at ibinulsa ang P10,000 sa karerang inorganisa ng PhilCycling at Tagaytay City sa pamumuno ni Abraham “Bambol” Tolentino at inihandog ng MVP Sports Foundation.

Inangkin ni RR King Roque ang silver at napunta kay Andrei Domingo, anak ni Tour Sprint King Enrique Domingo, ang bronze sa men’s contest.

Sina Dave Eeron Cangayao at Steven Nicolas Shane Tablizo ang bumuo sa magic five at tumanggap din ng cash prizes.

Magtatapos ngayong araw ang karera tampok ang Elite races for men at women.