VP Sara, bumiyahe uli sa The Hague


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasa The Hague, Netherlands nang muli si Vice President Sara Duterte upang bisitahin ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte na nakapiit doon dahil sa kinakaharap na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Ito na ang ikaapat na pagbiyahe ni VP Sara sa The Hague simula nang maaresto ang kanyang ama noong Marso 11.

Kasama ni VP Sara sa pagbisita sa kanilang ama ang kanyang bunsong kapatid na si Veronica ‘Kitty’ Duterte.

Mismong si Kitty ang nagkumpirma nang pagbisita nilang magkapatid sa dating pangulo sa isang panayam na ipinaskil ni Atty. Harry Roque sa kanyang Facebook page.

Ayon kay Kitty, naging mahaba at masaya ang pag-uusap nilang mag-aama.

Sinabi rin aniya ng dating pangulo na nais nitong sabay-sabay silang apat na magkakapatid na bumisita sa kanya.

Wala pa namang petsa kung kailan matutupad ang hiling ng dating pangulo na mabisita ng kanyang apat na anak.

Hinihintay pa kasi aniya nila ang iskedyul nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte.

Bago nagtungo ng The Hague, bumiyahe muna si VP Sara sa Kuwait noong Agosto 15.

Dumiretso rin siya sa Paris, France noong ­Agosto 18 bago tuluyang binisita ang ama.

Samantala, sinabi rin ni Kitty na hindi pa siya sigurado kung makakadalo ang bise presidente sa confirmation of charges sa kanilang ama na nakatakda sa Setyembre 23.