Wala nang palusot | Pilipino Star Ngayon


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

January 21, 2026 | 12:00am

HINDI araw-araw na nakakakita ang taumbayan ng isang makapangyarihang pulitiko na kusang humaharap sa korte — lalo na kung ang apelyido niya ay matagal nang naka­dikit sa intriga, eskandalo, at bilyong pisong tanong na hang­gang ngayon, pilit iniiwasan nang malinaw na sagot.

Kamakailan, dinala sa Sandiganbayan ang dating se­nador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos siyang su­muko kasunod ng paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya at iba pa, kaugnay ng umano’y anomalya sa isang proyektong pang-imprastraktura sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga umano ng P92.8 milyon at sinasabing “ghost project”.

Hindi ito pelikula. Hindi ito presscon. Ito ay proseso ng batas na matagal nang hinihintay nang marami.

Ayon sa ulat, kusang-loob na nagtungo si Revilla sa Philippine National Police (PNP) noong Lunes ng gabi, kung saan isinailalim siya sa booking procedures matapos mag­labas ng warrant of arrest ang Third Division ng Sandiganbayan.

Kasabay ng kanyang pagsuko, isinuko rin umano niya ang 21 baril sa mga awtoridad isang detalye na kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Sa isang video na ipinost niya sa Facebook, iginiit ni Revilla na wala siyang kasalanan at ramdam niya raw ang kawalan ng due process. Karaniwan na ang ganitong linya.

Api ang pulitiko, malupit ang sistema, at Diyos ang huling sandalan. Paulit-ulit na itong narinig ng sambayanang Pilipino at, sa totoo lang, sawang-sawa na.

Totoo man o hindi ang paratang, isang bagay ang mali­naw  kung ordinaryong Pilipino ka, matagal ka nang nakarehas sa ganitong kaso. Walang Facebook video. Walang drama. Walang escort na may ngiti.

Kaya ang tanong ng taumbayan ay simple: pantay ba talaga ang hustisya, o ngayon lang ito kumatok dahil malakas na ang sigaw ng galit ng bayan?

Kasabay ng warrant of arrest, naglabas din ang Sandiganbayan ng hold departure order isang paalala na hindi puwedeng tumakbo palayo ang sinumang akusado, gaano man kasikat o kayaman.

Para sa marami, hindi pa ito hustisya. Simula pa lamang ito. Ngunit kahit papaano, may narinig nang kaluskos sa pintuan na matagal nang sarado para sa mga nasa itaas.

Ang taumbayan ay hindi naghahanap ng palabas. Ang hinahanap ay pananagutan. Walang masama sa pagdarasal, ngunit mas mahalaga ang pagharap walang palusot, walang paawa, at walang espesyal na trato.

DISKLAYMER:  Ang artikulong ito ay isang opinyon na nakabatay sa mga ulat ng media at pampublikong pahayag ng mga sangkot. Ang lahat ng akusasyon ay hindi pa napatutunayan, at ang mga indibidwal na binanggit ay pinaniniwalaang inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa korte ng batas. Layunin ng artikulo na magbigay ng pananaw at hindi magpataw ng hatol o manira ng pagkatao.