Walang banta sa SONA ni Pangulong Marcos — PNP


MANILA, Philippines — Walang namo-monitor ang Philippine National Police na banta sa ikaapat na State of the National Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 28.

Sa kanyang press briefing sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na nakahanda na ang puwersa ng PNP para matiyak ang seguridad ng mga dadalo sa SONA gayundin ang mga cause oriented groups na magsasagawa ng kanilang mga protesta sa paligid ng Kongreso.

Ani Torre, tanging ang lagay o kondisyon lamang ng panahon ang nakikita nilang hamon sa mismong araw ng SONA.

Umaasa sila na magiging maayos ang panahon upang makaposisyon ang mga pulis ng maayos. Sakaling umulan may nakahanda naman silang mga payong sa mga raliyista.

“Rain or shine, ang mahalaga ay ligtas at maayos ang kapaligiran upang maihayag nang maayos ng ating Pangulo ang kaniyang SONA,” ani Torre.

Matatandaang inanunsyo ng PNP noong Hulyo 8 na nasa 11,949 pulis ang ide-deploy sa iba’t ibang lugar sa bansa bilang bahagi ng seguridad sa SONA.

Magtatatag din ng command center sa Batasan Police Station at isang multi-agency coordinating center sa Quezon City Police District headquarters sa Camp Karingal para sa mabilisang ugnayan ng mga ahensiya.