MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang NorthPort na mawalis ng Barangay Ginebra sa kanilang duwelo.
Niresbakan ng Batang Pier ang Gin Kings, 108-103, sa Game Four ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup semifinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si import Kadeem Jack ng 39 points, 15 rebounds at 5 assists at naglista si Arvin Tolentino ng 20 markers, 11 assists at 9 boards para sa 1-3 agwat ng NorthPort sa kanilang best-of-seven showdown ng Ginebra.
“We, as a team found a way to win today. Ang sarap naman sa feeling na nanalo rin,” ani Tolentino sa Batang Pier. “It’s just one win. It’s a best of seven series, we’ve got to win three more.”
Nag-ambag si William Navarro ng 16 points habang may 14 markers si Joshua Munzon.
Ang San Miguel lamang ang tropang nakabangon mula sa isang 0-3 deficit matapos balikan ang Alaska, 4-3, noong 2015-16 Philippine Cup Finals.
Nagkuwintas si import Justin Brownlee ng 18 points, 7 rebounds at 4 assists para sa Gin Kings.
Ang mintis na drive ni Brownlee at tumalbog na 3-point attempt ni Holt sa posesyon ng Gin Kings ang nagresulta sa dalawang free throws ni Tolentino para sa 108-103 bentahe ng Batang Pier sa nalalabing 8.5 segundo.
