White sumisid ng gold sa Canada


MANILA, Philippines —  Patuloy ang paggawa ng ingay ni Filipino-British Heather White matapos makasungkit ng isang ginto at isang tansong medalya sa 2025 Mel Zajac Jr. Inter­national Swim Meet sa Van­couver, Canada.

Sinungkit ni White ang gintong medalya sa wo­men’s 100m freestyle sa bilis na 56.47 segundo.

Pinatumba ni White sina Canadian Olympians Emma OCroinin na nag­kas­ya sa pilak tangan ang 56.62 segundo at Kylie Masse na nakatanso bitbit ang 56.75 segundo.

Nairehistro ni White ang 56.42 segundo sa preli­mi­naries para maabot ang bronze standard sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.

“Our Philippine Na­tional Junior Swimmer, Heather White, managed to beat two Canadian Olympians, Kylie Masse and Emma O’Croinin, in the 100m free­style in Canada,” sabi ni Jenny White, ang proud mother ni Heather.

Maliban sa ginto, nakahirit pa ng tansong medalya si Heather sa 50m freestyle kung saan nagtala ito ng 25.96 segundo.

Si Heather ay miyembro ng Philippines’ Behrouz Elite Swimming Team (PH BEST) at ng national junior swimming team na su­mabak sa iba’t ibang malalaking torneo kabilang na ang dalawang edisyon ng World Junior Cham­pionships sa Peru at Israel.

Kaya naman proud na proud ang pamunuan ng PH BEST sa tagumpay ni White na inaasahang ma­kakakuha ng silya sa ga­ganapin PAI National Tryouts sa Agosto para sa 2025 Thailand SEA Games.

“We are so proud of you Heather, you are doing an amazing job. I know you are just getting started. That is just the tip of the iceberg we tapping in. Wait until they see your full on poten­tial everybody’s gonna lock in,” ani PH BEST team ma­nager Joan Mojdeh.