MANILA, Philippines — Natuloy na ang one-on-one trade sa pagitan ng TNT Tropang 5G at Converge.
Inaprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang pagbibigay ng Tropang 5G kay Fil-Am guard Mikey Williams sa FiberXers kapalit ni Fil-Aussie Jordan Heading.
Wala pang katiyakan kung kailan maglalaro si Williams para sa Converge at si Heading sa TNT ngayong PBA Season 49.
Kasalukuyan pa kasing nasa United State ang 33-anyos na si Williams na huing naglaro para sa Tropang Giga noong 2023 PBA Governors’ Cup Finals kontra sa Ginebra Gin Kings.
Hinirang si Williams bilang Finals MVP sa pagsibak ng TNT sa Ginebra sa Game Six, 4-2.
Ang Fil-Am shooting guard ang hinirang na No. 4 overall pick ng Tropang Giga noong 2020 PBA Draft at naglaro ng dalawang seasons tampok ang dalawang PBA championships, Rookie of the Year honor, dalawang Finals MVP at napabilang sa Mythical First Team at Mythical Second Team.
Huli namang sumabak sa aksyon ang 29-anyos na si Heading sa playoffs ng PBA Commissioner’s Cup bago nagkaroon ng back spasm sa Game Three ng quarterfinals loss ng Converge sa Rain or Shine.
Siya ang No. 1 overall pick ng Terrafirma noong 2020 special draft, ngunit hindi naglaro at dinala ng Dyip sa FiberXers kapalit nina guard Aljun Melecio, big man Keith Zaldivar at isang2025 first round pick.
