October 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ikakasa ng PLDT ang ika-15 sunod na ratsada sa pagsagupa sa Choco Mucho sa Pool A ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Magsusukatan ang High Speed Hitters at Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang duwelo ng Capital1 Solar Spikers at Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Magkikita ang Farm Fresh Foxies at Cignal Super Spikers sa ala-1:30 ng hapon sa unang laro.
Magkasosyo sa liderato ng Pool A ang PLDT, Farm Fresh at Choco Mucho sa magkakatulad nilang 1-0 baraha sa itaas ng Cignal (0-1), Nxled (0-1) at Capital1 (0-1).
Tabla rin sa itaas ng Pool B ang Akari at ZUS Coffee sa magkapareho nilang 2-0 kartada kasunod ang nagdedepensang Creamline (1-1), Petro Gazz 0-2), Chery Tiggo (0-2) at Galeries Tower (0-2).
Bumira si Russian import Anastasiia Bavykina ng 15 points mula sa 10 attacks, tatlong blocks at dalawang service aces sa 25-22, 25-20, 25-23 pagwalis ng High Speed Hitters sa Solar Spikers.
Hinataw ng PLDT ang ika-14 sunod na panalo simula sa pagrereyna sa nakaraang PVL on Tour at Invitational Conference.