October 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kokonekta ang PLDT sa ika-16 sunod na panalo kontra sa sister team Cignal para masolo ang liderato sa Group A ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Magkikita ang High Speed Hitters at Super Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tabla sa itaas ng Group A ang PLDT at Farm Fresh sa magkapareho nilang 2-0 baraha sa itaas ng Capital1 (1-1), Choco Mucho (1-1), Nxled (0-2) at Cignal (0-2).
Sosyo rin sa liderato sa Pool B ang ZUS Coffee at Akari na may magkatulad na 2-0 kartada kasunod ang nagdedepensang Creamline (2-1), Petro Gazz (2-1), Chery Tiggo (0-3) at Galeries Tower (0-3).
Iniligpit ng High Speed Hitters ang Solar Spikers, 25-22, 25-20, 25-23, at ang Flying Titans, 25-21, 25-20, 25-19.
Talo naman ang Super Spikers sa Flying Titans, 25-23, 19-25, 16-25, 25-27, at sa Foxies, 19-25, 20-25, 16-25.
“It’s a new conference, each team is reinforced, so it’s really gonna be a different level. So we just focus one game at a time,” ani outside hitter Kim Kianna Dy sa PLDT na nasa isang 15-game winning streak matapos magreyna sa na karaang PVL on Tour at Invitational Conference.
Muling makakatuwang ni Dy sina Russian import Anastasiia Bavykina, Fil-Canadian Savi Davison, Mika Reyes, Majoy Baron, Kim Fajardo at Kath Arado.
Itatapat ng Cignal sina Greek reinforcement Eva Chantava, Vanie Gandler, Erika Santos, Heather Guino-o, Erin Pangilinan at Gel Cayuna.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon ay haharapin ng Farm Fresh ang Capital1 kasunod ang upakan ng Choco Mucho at Nxled sa alas-4 ng hapon.
Magkasunod na tinalo ng Foxies ang Chameleons, 22-25, 25-23, 25-19, 25-21, at ang Super Spikers, 25-19, 25-20, 25-16.
Umiskor naman ang Solar Spikers ng 25-20, 23-25, 27-25, 25-12 panalo sa Chameleons tampok ang conference-high 39 points ni Ukranian import Sasha Bytsenko.
“We played like a team – with energy,” sabi ni Bytsenko na muling makakatuwang sina No. 1 overall pick Bela Belen, Leila Cruz, Trisha Genesis at Iris Tolenada.
