Win No. 6 ikokonekta ng Tropang 5G vs Bossing


MANILA, Philippines — Itutuloy ng TNT Tropang 5G ang kanilang arangkada sa anim sa pagsagupa sa talsik nang Blackwater sa PBA Season 49 Philippine Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Nakatakda ang upakan ng Tropang 5G at Bossing ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang pagkikita ng Magnolia Hotshots at NLEX Road Warriors sa alas-7:30 ng gabi.

Tabla sa liderato ang Magnolia at NLEX sa magkatulad nilang 7-2 baraha sa itaas ng San Miguel (6-2), Barangay Ginebra (6-3), Rain or Shine (6-3), TNT Tropang 5G (5-3), Converge (6-4), nagdedepensang Meralco (6-5) at mga sibak nang Phoenix (3-7), Blackwater (1-7), NorthPort (1-8) at Terrafirma (1-8).

Mula sa 0-3 panimula ay limang sunod na panalo ang ikinonekta ng Tropang 5G para palakasin ang tsansa sa top four na nagbibigay ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.

Laglag naman ang Bossing sa limang dikit na kamalasan.

“They have two certified scorers, eh,” ani TNT coach Chot Reyes kina Fil-Am guard Sedrick Barefield, forward Christian David at guard RK Ilagan ng Blackwater. “Kailangang depensahan talaga si Barefield at saka si David. And then lately ang ganda pa ng inilalaro ni Ilagan.”

“Iyong last game nga nila matatalo na nga nila Ginebra, last second shot lang ni Japeth (Aguilar). So very serious threat talaga sila,” dagdag ni Reyes.

Nagmula ang Tropang 5G sa 94-70 pagbugbog sa Batang Pier habang nala­sing ang Bossing sa Beermen, 78-115, sa kanilang mga huling laro.

Sa unang laro, magpapatibayan sa top four ang Hotshots at Road Warriors.

Natalo ang Magnolia sa Ginebra, 81-85, sa kanilang ‘Manila Clasico’ at sinagasaan ng NLEX ang Phoenix, 105-95, sa mga huli nilang laban.