Pilipino Star Ngayon
February 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pupuntirya ng gold medal ang 13-man Wushu Arena Quezon City delegation sa Hong Kong International Wushu Championship na sisipa sa Pebrero 28 hanggang Marso 3.
Sasabak ang tropa, binubuo ng mga first-timers sa international competitions, sa 46 categories sa traditional at modern (weapons at non-weapons) wushu.
“So far, light pa kasi nanggaling kami sa injuries last December at January kaya todo training kami to cram the quality. Tapos ngayon polishing na lang at sana umakyat po ang scores.” ani coach Arra Corpuz, ang head instructor ng Wushu Arena Quezon City at bahagi ng Hong Kong-bound team.
Nakakuha na ng pondo ang koponan para sa Hong Kong meet kasama ang gastusin sa flights at accommodation.
Bagama’t mga first-timers ay tiwala si Corpuz sa kakayahan ng kanyang mga bata.
“They poured their heart and soul here kaya nga nakikita natin na every break time, puro wushu ang iniisip at nilalaro kaya bawal muna maglaro ng online games at pinapanood na rin ang mga past wushu videos para ma-icorrect nila ang techniques,” sabi ni Corpuz.
Ang tropa ay binubuo nina Maica at Reena Cabugao, Diane Basa, Carl at Bede Ramirez, Ishy Pena, Sha Liwanag, Chloe at Lucas Maniquis, Anton Sesdoyro at John Timothy Duran.