October 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matikas ang pagresbak ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo nang pagharian nito ang men’s vault sa FIG Men’s Artistics Gymnastics World Championships na ginaganap sa Indonesia Arena sa Jakarta, Indonesia.
Matapos magkasya sa tanso sa floor exercise, siniguro ni Yulo na uuwi ito nang may bitbit na gintong medalya mula sa kanyang paboritong vault event.
Nagrehistro si Yulo ng 14.866 puntos kung saan nagtala ito ng 15.200 sa kanyang unang vault at 14.533 sa ikalawang vault para masiguro ang kampeonato.
Tinalo ni Yulo si Arthur Davtyan ng Armenia na nagkasya lamang sa pilak tangan ang 14.833 puntos gayundin si Nazar Chepurnyi ng Ukraine na pumangatlo bunsod ng nakolekta nitong 14.483 puntos.
Nasa ikaapat si Tommaso Brugnami ng Italy na may 14.466 kasunod si Huang Mingqi ng China (14.416), Mukhammadzhon Iakubov ng Russia (14.183), Daniel Marinov ng Russia (14.150) at Kazuki Minami ng Japan (13.749).
Sa kabuuan, uuwi si Yulo tangan ang isang ginto at isang tansong medalya.
Nagkasya lamang sa tanso si Yulo sa floor exercise noong Biyernes matapos makakuha ng 14.533 puntos mula sa 5.900 sa difficulty at 8.566 sa execution.
Nanguna sa floor sina Great Britain bets Filipino-British Jake Jarman na nakaginto (14.866) at Luke Whitehouse (14.666).
Ito ang ikalawang korona ni Yulo sa vault matapos mamayagpag sa parehong event noong 2021 edisyon ng torneo sa Kitakyushu, Japan.
May tatlong gintong medalya na si Yulo sa World Championships.
Una na noong 2019 nang angkinin nito ang ginto sa floor exercise sa Stuttgart, Germany bago naghari sa vault sa Japan at itong panibagong ginto sa vault sa Indonesia.
