Yulo tutok na sa floor exercise, vault finals


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Puspusan na ang pag­hahanda ni Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo para sa finals ng men’s floor exercise at vault sa 53rd Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Indonesia Arena sa Jakarta, Indonesia.

Unang sasabak si Yulo sa finals ng floor exercise sa bukas (Biyernes) kung saan makakalaban nito ang pito pang gymnasts na nagkwalipika kabilang na si Filipino-British Jake Jarman ng Great Britain.

Nakapasok si Yulo sa finals matapos magtala ng 14.566 puntos para makuha ang No. 2 spot habang nanguna naman si Jarman na may naitalang 14.700 puntos.

Kasama nina Yulo at Jarman sa finals sina American Kameron Nelson (14.300), Kazakh Milad Karimi (14.133), Minami (14.100), Hungarian Krisztofer Meszaros (13.966), Thai Tikumporn Surintornta at British Luke Whitehouse (13.866).

“I am just really grateful that I got to compete, show my performance and come back here in a good state,” ani Yulo.

Lalaruin naman ang vault finals sa Sabado.

Nangibabaw si Yulo sa vault nang maitala nito ang 14.750 points.

Magiging matinding karibal ni Yulo sa vault si Paris Olympics silver me­dalist Armenian Artur Davtyan na siyang pumang-apat tangan ang 14.566 puntos.

Kasama rin sina Huang Mingqi ng China (14.833), Daiki Hashimoto ng Japan (14.333), Daniel Marinov ng Russia (14.400), Zhang Boheng ng China (14.333), Tomimaso Brugnami ng Italy (14.266), Juan Larrahondo ng Colombia (14.233) at Nazar Chepurnyi ng Ukraine (14.233).

Hangad ni Yulo na mabawi ang korona sa floor exercise na pinagharian nito noong 2019 edisyon gayundin ang ginto sa vault na huli nitong nakuha noong 2021.