COTABATO CITY , Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang provincial information officer sanhi ng pamamaril mismo ng kanyang security escort nitong gabi ng Huwebes habang sila ay nasa isang beach resort sa bayan ng Vincenzo Sagun sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng mga opisyal ng Vincenzo Sagun Municipal Police Station at ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office, hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Jesriel Gasper Himang, information officer ng Zamboanga del Sur provincial government na binaril ng apat na beses ng kanyang bodyguard na si Reymond Antifuelo Lopecillo.
Nagtamo naman ng dalawang tama ng bala ang kasama ni Himang na si Celquen Mae Arellano na pinaputukan din ni Lopecillo na agad na naaresto ng mga barangay officials at mga kasapi ng Vincenzo Sagun Police na nagresponde sa madugong insidente sa Purok Puting Balas, Barangay Ambulon, Vincenzo Sagun.
Ayon kay Capt. Brainhulla Sakkam, municipal police chief ng Vincenzo Sagun, nag-iinuman sina Himang, Arellano at si Lopecillo sa isang function facility ng Beach Resort sa Purok Puting Balas ng biglang nagtalo silang tatlo bago umalingawngaw ang ilang mga putok sa kapaligiran.
Sa salaysay ng mga saksi, biglang naglabas ng .45 caliber pistol si Lopecillo sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo at agad na pinagbabaril sina Himang at Arellano.
Hindi na pumalag si Lopecillo nang disarmahan ng mga pulis na kasama ni Sakkam na mabilis na nakaresponde sa insidente. (John Unson) COTABATO CITY — Tatlong opisyal ng New People’s Army (NPA) ang bumulagta habang nagbuwis din ng buhay ang isang sundalo sa isang madugong engkuwentro sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat nitong Biyernes ng mga local officials at ng mga pinuno ng mga etnikong grupo sa Kalamansig, sumiklab ang engkuwentro nang paputukan ng mga teroristang NPA ang tropa ng 37th Infantry Battalion na ipinadala sa isang liblib na lugar sa Barangay Datu Ito Andong matapos mag-ulat ang mga residente hinggil sa kanilang presensya at sapilitang panghihingi ng pera sa mga magsasaka.
Kanila ring kinumpirma na ang dalawang guerilla na napatay ng mga sundalo na kinilalang sina Brix Alison at Tomas Sales, ay may mga mataas na katungkulan sa Sub-Regional Committee-Daguma Area at Regional Sentro de Gravidad ng NPA at isang platoon medic naman ang kasama nilang nasawi sa insidente na si Myca Bunsing.
Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, commanding officer ng 37th IB, isa sa kanyang mga tauhan na kinilalang si Corporal Jay-ar Baay at kasama sa grupong pinadala sa Barangay Datu Ito Andong, ang nasawi sa kanilang palitan ng putok sa mga teroristang NPA.
Magkahiwalay na iniulat nina Brig. Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, at Major Gen. Donald Gumiran, hepe ng 6th Infantry Division, na nasamsam ng mga tropa ng 37th IB ang apat na M16 rifles at mga pampasabog na kanilang natagpuan sa tabi ng mga bangkay ng tatlong napatay na rebeldeng NPA.
