ISANG zoo sa Denmark ang gumawa ng isang kontrobersiyal na panawagan sa publiko: ang pagdo-donate ng kanilang mga alagang hayop tulad ng kuneho at guinea pig upang magsilbing pagkain para sa mga carnivore o predator na nasa kanilang pangangalaga.
Ayon sa Aalborg Zoo, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang responsibilidad na gayahin ang “natural food chain” para sa kapakanan ng kanilang mga hayop.
Sinabi nila na ang mga predator ay nangangailangan ng “whole prey” bilang pagkain para sa kanilang natural na nutrisyon at pag-uugali. “Ginagawa namin ito para sa kapakanan ng mga hayop” pahayag ng zoo sa isang social media post.
Kabilang sa mga hayop na tinatanggap ng zoo ay mga kuneho, guinea pig, at manok. Tumatanggap din sila ng mga kabayo. Ang mga ido-donate na hayop ay dapat malusog.
Tiniyak ng zoo na ang mga hayop ay dadaan sa “gentle euthanasia” na isasagawa ng mga ekspertong staff bago ipakain. “Sa ganitong paraan, walang nasasayang,” dagdag ng zoo.
Ang panawagan ay isinapubliko sa pamamagitan ng isang post sa Facebook, na may kasamang larawan ng isang wildcat. Nagbigay din sila ng mga detalye kung kailan maaaring mag-donate at ang mga kondisyon, lalo na para sa mga kabayo.
Ang patakaran ng Aalborg Zoo, bagama’t may basehan sa kanilang propesyonal na pamamahala ay nagdulot ng diskusyon online dahil sa hindi pangkaraniwang panawagan na gawing pagkain ang mga alagang hayop.
Para sa zoo, ito ay isang paraan upang matiyak ang natural na kapakanan ng kanilang mga predator.