128 aplikante makakaliskisan sa Draft Combine


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Magpapasiklab ang 128 aplikante sa PBA Season 50 Rookie Draft Combine simula ngayon hanggang bukas sa Ynares Sports Arena sa Pasig para palakasin ang tsansa nilang mapili ng 12 koponan.

Dadaan sa maraming ha­mon ang mga naturang manlalaro kabilang na ang 12-team tournament hanggang sa finals bukas upang kilalanin ang MVP at Mythical Teams.

Makakatulong sa mga players ang torneo upang ma­pataas ang draft stock nila sa mismong Rookie Draft sa Setyembre 7 sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay.

Ito ang unang event ng PBA bago ang Season 50 opening sa Oktubre bilang selebrasyon nito ng golden anniversary nang maging kauna-unahang profes­sio­nal basketball league sa Asya.

Bago iyon ay kailangan munang makapasa ng 128 aplikante sa physical, medical at athletic exams.

Ilan dito ang vertical jumps, court sprints, reaction time at lane agility na magiging basehan din ng 12 koponan sa pagkilatis ng mga aplikante.

Sasailalim din sila sa seminar at evaluation tungkol sa Unified Players Contract (UPC) na siyang re­quirement para sa lahat ng mga manlalarong papasok PBA.

Tampok din ang Three-Point Shootout Competition bago ang semifinals ng tor­neo.

Babandera sa Draft Combine ang ilan sa mga top prospects na sina Geo Chiu, Jason Brickman, Juan Gomez de Liaño, Will Gozum, Chris Koon at Ljay Gonzales.

Unang pipili sw draft ang Terrafirma kasunod ang Phoenix, Blackwater, NorthPort, NLEX, Magno­lia, Meralco, Converge, San Miguel, Rain or Shine, Ginebra at Rain or Shine uli na nakuha ang 1st round pick mula sa TNT Tropang 5G matapos ang trade nila noong 2023.