16-year age gap kay Barrios, balewala kay Pacquiao


MANILA, Philippines — Hindi nasisindak si eight-division world champion Manny Pacquiao kahit mas bata pa sa kaniya si World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios.

Muling sasabak sa professional boxing si Pacquiao matapos ang ilang taon na pagreretiro nito kung saan haharapin nito si Barrios sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Nevada.

Marami ang nasorpresa sa desisyon ni Pacquiao na bumalik sa ring lalo pa’t hindi na ito bata.

Nasa 46-anyos na si Pacquiao.

At hindi hamak na mas bata si Barrios na kasalu­kuyan lamang na nasa 30-anyos at nasa peak  ng kaniyang career.

Subalit hindi natatakot si Pacquiao at handa itong sagupain ang panibagong laban na haharapin nito.

“Don’t worry about it,” ani Pacquiao sa panayam ng Fight Hype.

Dahil dito, desidido si Pac­quiao na muling ibuhos ang kaniyang atensiyon sa pagsasanay para masiguro na nasa perpektong kun­dis­yon ito bago ang la­ban.

Galing si Pacquiao sa pag­katalo sa midterm elections kung saan bigo itong makapasok sa Top 12 sa Senatorial race.

Kaya naman tututukan na nito ang training camp para sa kaniyang July fight.

Dumating na sa Amerika si Pacquiao kung saan nakasama nito sa kaniyang unang araw sa training si veteran American trainer Freddie Roach.

Nag-post pa si Roach ng larawan kasama si Pacquiao sa Wild Card Gym sa California.

“Yesterday was another great day Manny Pacquiao. It’s great to see everyone againt,” ani Roach sa kaniyang post sa social media.

Sumalang sa magagaang na workout si Pacquiao at inaasahang mas magi­ging matindi ang training camp nito sa mga susunod na araw.