Fajardo namumuro sa ika-9 MVP


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Namumuro si June Mar Fajardo ng San Miguel Beermen na palawigin pa ang kanyang paghahari bilang Most Valuable Player sa Leo Awards na gaganapin kasabay sa opening ng PBA Season 50 sa Oktubre sa Smart-Araneta Coliseum.

Si “Kraken” ang llamado sa karera ng nakalipas na PBA Season 49 kay namumurong masikwat ang ika-9 na sunod na MVP kahit pa hawak na ang pinakamarami sa kasaysayan ng pinakaunang professional league basketball sa Asya.

Nakabuntot sa Cebuano pride sina star guard Robert Bolick ng NLEX Road Warriors at dating ace forward ng NorthPort Batang Pier na si Arvin Tolentino na nasa Korean Basketball League ngayon.

Subalit paborito ang 35-anyos na si Fajardo na makaungos, naisukbit ang 2 sa 3 Best Player of the Conferences sa nagdaang season upang makakolek­ta ng 42.1 statistical points (SPs) sa unahan ng karera.

Nahakot ito ni Fajardo sa likod ng league-best na 16.1 puntos at third-best na 19.2 puntos sa pambihirang 60.2 shooting upang matrangkuhan ang Beermen sa kampeonato ng Philippine Cup kontra sa Talk ‘N Text na napurnada ang Grand Slam.

Pumapangalawa kay Fajardo si Bolick na lider sa assists hawak ang 7.6 kada laro at segunda sa scoring sa 20.6 puntos tungo sa 36.7 SPs para sa Road Warriors na nakapasok sa playoffs ng 3 conferences tampok ang No.2 seed sa Philippine Cup.

Bagama’t wala na sa PBA, pumangatlo pa rin sa derby si Tolentino na may 35.3 SPs matapos mamuno sa scoring sa 21.2 puntos tampok ang career-high na 51 puntos sa Governors’ Cup bilang unang 50-point game sa PBA simula nang magawa ito ni Stanley Pringle noong 2018.

Silang tatlo ang inaasahang bumandera sa Mythical First at Second Teams ng PBA sa Leo Awards na gaganapin bago ang ianunsyo ang nag-iisang ope­ning game sa selebrasyon ng liga ng golden anniversary nito.

Tatanghalin din sa Leos ang Rookie of the Year, Most Improved Player, All-Defensive Team at Samboy Lim Sportsmanship Award.