Pilipino Star Ngayon
November 19, 2025 | 12:00am
MIAMI — Umiskor si Norman Powell ng 19 points at kumolekta si Kel’el Ware ng 16 points at 14 rebounds sa 115-113 pagsunog ng Heat sa New York Knicks.
Kumamada si Davion Mitchell ng 18 points para sa Miami (8-6) na nakahugot kina Simone Fontecchio, Jaime Jaquez Jr. at Pelle Larsson ng 14 at tig-13 markers, ayon sa pagkakasunod.
Bumira si Deuce McBride ng 25 points sa panig ng Knicks (8-5) at may 23 markers si Mikal Bridges.
Humakot si Karl-Anthony Towns ng 22 points at 16 rebounds para sa Knicks na nakadikit sa 113-114 sa huling 22.4 segundo ng fourth period matapos ang triple ni Towns.
Ang free throw ni Mitchell ang nagbigay sa Heat ng 115-113 abante sa nalalabing 20 segundo.
Mintis ang jumper ni McBride at ang follow-up ni Towns sa posesyon ng New York habang nahablot ni Mitchell ang final rebound para sa Miami.
Sa iba pang laro, dinomina ng nagdedepensang Oklahoma City Thunder ang New Orleans Pelicans, 126-109; tinalo ng Minnesota Timberwolves ang Dallas Mavericks, 120-96; lusot ang Philadelphia 76ers sa Los Angeles Clippers, 110-108; at dinaig ng Chicago Bulls ang Denver Nuggets, 130-127.
