February 22, 2026 | 12:00am
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga awtoridad kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang negosyanteng Indian nationals na nakumpiskahan ng P233.2-milyong halaga ng cocaine sa isinagawang buy-bust operations sa Villa de Calamba, Brgy. La Mesa, Calamba City, Laguna nitong Sabado.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect sa mga alyas na “Ali”, 30-anyos at Five Six, 32 taong gulang.
Sa report, sinalakay ng pinagsanib na elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region Southern District Office, Laguna Provincial Police Office at Regional Special Enforcement Team ng Calamba City Police.
Isang undercover agent ang nakipag-deal sa mga suspect na bibili ng cocaine na nagresulta sa pagkakabitag sa mga suspect sa aktong iniaabot ang droga sa naturang operatiba na nagsilbing hudyat upang sila ay dakpin.
Hindi na nakapalag ang nasabing mga dayuhang suspect matapos na mapalibutan ng arresting team ng mga awtoridad na nakumpiskahan ng 44 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P233.2 milyon.
Bukod rito, nakumpiskahan pa ng karagdagang 42 kahon na naglalaman ng isang kilo ng cocaine.
Nasamsam din mula sa mga suspect ang isang paper bag na ginamit na container sa buy-bust, Isang smartphone at kanilang mga pasaporte gayundin ang boodle money.
