3 bagong hugot ipaparada ng TNT


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinalakas na puwersa ng TNT Tropang 5G ang magmamartsa sa duwelo kontra sa bagong-bihis na Phoenix para sa tangkang ma­init na arangkada ng ka­nilang paghihiganti sa PBA Season 50 Philippine Cup sa Ynares Center sa Mon­talban, Rizal.

Susubukan ng Tropang 5G ang kalibre ng Fuel Masters sa mando ng bagong head coach na sa Willy Wilson ngayong alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng pasikalaban sa pagitan ng Terrafirma at Blackwater sa alas-5:15 ng hapon.

Walang nakuhang ma­­taas na rookie pick si coach Chot Reyes subalit na­kasikwat ng tatlong pambatong manlalaro mula sa free agency upang patiba­yin ang koponan sa gitna ng mga injuries nito.

Nakuha ng TNT ang ser­bisyo nina Jio Jalalon mula sa NorthPort (Titan Ultra ngayon), Tyrus Hill ng Blackwater at Kevin Ferrer ng Terrafirma.

Umaasa si Reyes na sapat na ito upang mapu­nan ang injuries nina Jayson Castro at Poy Erram at ang pagreretiro ni Ryan Reyes bagama’t mabu­ting balita ang pagbabalik nina Calvin Oftana, Roger Pogoy at Rey Nambatac mula sa sarili nilang injuries sa nagdaang Season 49.

Subalit higit doon ay mis­yon ng Tropang 5G ang matamis na bawi matapos madiskarila ang asam na Grand Slam sa Season 49.

Naghari ang TNT sa Go­vernors’ Cup at Com­mis­sioner’s Cup kontra sa Barangay Ginebra subalit yumukod sa San Miguel sa Philippine Cup.

Haharang sa daan ng Tropang 5G ang Fuel Mas­­ters na gagabayan ni Wilson kapalit ni dating coach Jamike Jarin na team consultant ngayon.

Nakuha ng Phoenix sa draft si No. 8 pick at dating NCAA MVP Will Gozum subalit hindi muna makakasama dahil sa kailangan pang tapusing ang kontrata sa Quezon Huskers sa MPBL.

Gayundin ang No. 1 pick na si Geo Chiu ng Terrafirma dahil sa kampanya ng Abra Weavers.

Mamando sa Dyip ang bagong coach na si Ronald Tubid.

Susukat kay Tubid ang batikang tactician din na si Jeff Cariaso na ibabandera naman ang No. 3 pick na si Dalph Panopio.