February 20, 2026 | 12:00am
MULING naging usap-usapan ang isang nakakagimbal na kaso mula noong 2011 tampok sa isang bagong documentary, kung saan tatlong high school students ang sunud-sunod na namatay matapos isailalim sa hipnotismo ng kanilang sariling principal na si Dr. George Kenney.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng hypnosis sessions si Kenney sa mahigit 70 indibidwal, karamihan ay mga estudyante ng North Port High School sa Florida, sa kabila ng kawalan niya ng lisensiya bilang hypnotherapist.
Layunin umano ng kanyang mga sesyon na tulungan ang mga bata sa test anxiety at athletic performance.
Ngunit sa loob lamang ng ilang linggo, namatay ang tatlo sa kanyang mga estudyante: si Marcus Freeman (16) ay namatay sa car crash, habang sina Wesley McKinley (16) at Brittany Palumbo (17) ay parehong nagpakamatay.
Iginiit ng mga naulilang magulang na binago ng hipnotismo ang pag-iisip ng kanilang mga anak. Ayon sa ina ni McKinley, nag-asal “zombie” ang kanyang anak matapos ang sesyon. Giit naman ng ina ni Palumbo, nawalan ng alaala ang anak tungkol sa nangyari sa mismong hypnosis at tila nawalan ito ng kagustuhang mabuhay.
Sa kanyang depensa, itinanggi ni Kenney na ang hipnotismo ang nagtulak sa mga bata sa kamatayan, ngunit inamin niyang hindi niya inalam ang mental health history ng mga ito bago ang hypnotherapy session.
Upang iwasan ang pagkakakulong at hindi mawala ang kanyang retirement benefits, nakipagkasundo si Kenney at umamin sa misdemeanor charge na practicing therapeutic hypnosis without a license, kung saan pinatawan siya ng probation at community service.
Taon 2015 naman nang magbayad ng tig-$200,000 na settlement ang school board sa pamilya ng mga biktima.