August 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naitakas ng Australia ang three-peat nito matapos ang pambihirang 90-89 panalo kontra sa China sa 2025 FIBA Asia Cup finals kahapon sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nagbuhos ng 23 puntos si Jaylin Galloway tampok ang 6 na tres upang trangkuhan ang comeback ng Australia mula sa 15 puntos na pagkakatambak upang sikwatin ang Tissot MVP plum.
Sinamahan siya sa FIBA Asia All-Star Five ng kakamping si Jack McVeigh, Mingxuan Hu at Wang Junjie ng China pati na ni Sina Vahedi ng Iran na ginapi ang New Zealand sa bronze medal match, 79-73.
Naiwan hanggang sa 36-21 ang Australia subalit matibay pa rin hanggang dulo nang unti-unting tapyasin ang abante ng China hanggang sa tapusin ito ni Xavier Cooks tampok ang game-sealing freethrow sa huling 3 segundo, 90-87.
Nakasilip pa ng pag-asa ang China matapos ang unsportsmanlike foul ni Cooks tungo sa 2 free throws ni Zhao Rui subalit sablay ang game-winner ni Hu sa final buzzer.
Wala pa ring galos ang Australia ngayon sa kabila ng pinakamahirap nilang hamon sa Asia Cup simula nang pag-isahin ng FIBA ang Asia at Oceania zones noong 2017.
