4 Pinoy umentra sa Last 32


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Apat na Pinoy cue ar­tists ang sumampa sa Round-of-32 matapos mag­­tala ng magkakahiwa­lay na panalo sa Zen Custom Cue and Yuan 8 Open sa Yuan 8 Club sa Shanghai, China kahapon.

Pinagulong ni 2025 World 9-ball semifinalist Ber­nie Regalario si Zeng Zhaodong ng China, 9-6, sa loser’s side.

Ang ibang Pinoy na dumaan sa loser’s bracket ay sina Marvin Asis at Michael Feliciano na tinalbos sina Wu Tianting ng China, 9-3, at Li Zih Min ng Chinese Taipei, 9-8.

Ibang daan naman ang tinahak ni Harry Vergara, nagtala ng tatlong sunod na panalo sa winner’s side para sumampa sa round-of-32, nang talunin sa Round 3 si Lo Ho Sum ng Hong Kong, 9-7.

Makakalaban ni Verga­ra sa Last 32 si Jonas Souto Comino ng Spain, ha­bang makakatapat ni Re­galario si Hsieh Chia-Chen, kaharap ni Feliciano si Wu Kun-Lin at katumbukan ni Asis si defending champion Ko Pin Yi.

Mga pambato ng Chi­nese Taipei ang mga ma­kakasargohan nina Rega­lario, Asis at Feliciano.

Maliban kay Ko Pin Yi, nasa kompetisyon pa rin sina 2024 runner-up at reigning US Open king Aloysius Yapp ng Singa­pore at dating World Champion Alex “The Lion” Pagulayan na isang Pinoy pero dala ang bandila ng Canada.

Kaya mapapahirapan ang mga Pinoy cue artists bago masilo ang $20,000 premyo.