4 teams unahan sa finals berth Czechia vs Bulgaria; Poland kontra Italy


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Mula sa kabuuang 32 koponan ay natira ang World No. 1 Poland, World No. 2 Italy, World No. 9 Bulgaria at World No. 17 Czechia para paglabanan ang dalawang finals spot sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Magtutuos ang mga Poles at Italians ngayong alas-6:30 ng gabi, habang maghaharap ang mga Bulgarians at Czechs sa alas-2:30 ng hapon sa semifinals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hangad ng Poland, huling nagkampeon noong 2014 at 2018, na mabawi ang suot na korona ng Italy na naghari sa huling edisyon ng world meet noong 2022.

Winalis ng mga Poles ang World No. 14 Turkiye, 25-15, 25-22, 25-18, patungo sa kanilang ikaapat na sunod na semis stint.

“We are working very hard, like we don’t give up, we try to do our best all the time, and this is something to show to the team, maybe for them to learn, but also to bring a higher level, a better level of volleyball,” ani Poland spiker Wilfredo Leon

Dinomina naman ng mga Ita­lians ang World No. 15 Belgium, 25-13, 25-18, 25-18, para sa tsansang maipagtanggol ang bitbit na titulo.

“It is difficult to repeat the same story because the level of the teams in the world is coming to the same ave­rage,” sabi ni Italy star hitter Mattia Bottolo.

Sa unang laro, itutuloy ng Czechia ang pagsulat ng kanilang kasaysayan sa pagsagupa sa Bulgaria.

Tinalo ng mga Czechs ang World No. 16 Iran, 22-25, 27-25, 25-20, 25-21, para sa kanilang kauna-unahang semis appea­rance matapos ang 55 taon.

Naghari sila noong 1956 at 1966 kasunod ang fourth-place finish noong 1970 bilang Czechoslovakia.

“You need to play all the time good, without big mistakes, that’s the most important. And after, you know, just to play a good quality game,” wika ni Czechia star Patrik Indra.

Ginulat naman ng mga Bulgarians ang No. 4 USA, 21-25, 19-25, 25-17, 25-22, 15-13, papasok sa semis.

Idaraos ang finals bukas sa MOA Arena.