Masaklap na Linggo ng Pagkabuhay
SAN ILDEFONSO, Ilocos Sur , Philippines — Dalawang sakay ng motorsiklo ang nasawi, habang 9 pa ang sugatan nang araruin ng isang nag-overtake na SUV ang limang motorsiklo habang parehong bumabagtas sa national highway ng Barangay Gongogong sa San Ildefonso, Ilocos Sur, kahapon, Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon sa pulisya, nangyari ang aksidente dakong alas-3 ng madaling-araw na kinasangkutan ng isang SUV na Ford Everest at limang motorsiklo na may sakay na 10 rider at pasahero na pawang mula sa Indang, Cavite.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang SUV na minamaneho ng isang 23-anyos na lalaki mula Sto. Domingo, Ilocos Sur ay napunta sa kabilang linya habang sinusubukang mag-overtake, dahilan upang mabangga nito ang mga kasalubong na motorsiklo.
Matinding napinsala ang mga motorsiklo at wasak din ang SUV.
Isinugod sa ospital ang lahat ng biktima, ngunit dalawa ang idineklarang dead-on- arrival.
Napag-alaman din na nagpositibo sa alak ang driver ng SUV, na kabilang sa mga nasugatan.
