6-anyos na bata sa U.S., namatay nang malanghap ang helium mula sa lobo!


ISANG malungkot na pangyayari ang yumanig sa bayan ng Mt. Carmel, Illinois, matapos mamatay ang isang anim na taong gulang na batang lalaki dahil sa paglanghap ng helium mula sa balloon, ilang araw lang matapos ang kanyang kaarawan.

Ayon sa ulat ng Wabash County Coroner’s Office, suffocation ang itinuturong sanhi ng pagkamatay ni Gunner Hyatt. Lumalabas sa imbestigasyon na nilalanghap ng bata ang inert gas mula sa makintab na lobo habang nasa loob ng kanilang tahanan.

Bagama’t madalas na itinuturing na simpleng palamuti sa mga birthday celebration ang mga lobo na may helium, nagbabala ang mga awtoridad na maaari itong magdulot ng suffocation o helium toxicity.

Naging katuwaan na ng ilang bata ang lumanghap ng helium mula sa lobo upang magtunog “cartoon characters” ang kanilang boses.

Nangyayari ito dahil mas magaan ang helium kaysa sa oxygen, kaya mas mabilis kumakalat ang soundwaves sa loob ng lalamunan at nagdudulot ito ng matinis na boses.

Subalit hindi alam ng marami na may kaakibat itong matinding panganib.

Kinilala ng pamilya at mga kaibigan si Gunner bilang isang masigla, mapaglaro, at matapang na bata. Ayon sa kanyang mga kamag-anak, palaging puno ng saya si Gunner, lalo na kapag siya ay naglalaro sa labas, nagba-baseball, o nakikipag-bonding sa pamilya.

Lubos ang hinagpis ng mga naulila, at malaki ang naging epekto ng insidente sa kanilang komunidad.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis at may isinasagawang toxicology tests para matukoy ang kabuuang dahilan ng pagkamatay ng bata. Muling nagpaalala ang mga eksperto at awtoridad sa mga magulang na maging maingat sa paggamit ng lobo na may helium.