6 miyembro ng pamilya nalason sa kabibi


MANILA, Philippines — Anim na miyembro ng pamilya ang naratay matapos na kumain ng seashells o kabibi na hinihinalang nakalason sa mga ito sa Brgy. Singcang-Airport, Bacolod City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.

Sa report ng City Health Office (CHO) na nakarating sa Office of Civil Defense Negros Island Region, ang mga biktima ay kinabibila­ngan ng 44-anyos na ina, mga anak nitong nagkakaedad 25, 21, 20, 17, at 6-anyos.

Ayon sa imbestigas­yon, nanguha ng mga kabibi ang ilang miyembro ng pamilya noong Marso 20 na niluto ng nasabing ina kinabukasan saka pinagsaluhan ng kaniyang pamilya sa pananghalian.

Gayunman matapos makain ang mga kabibi ay nakaranas ang mga ito ng diarrhea  at pananakit ng tiyan sa loob ng ilang araw hanggang sa dalhin na ang mga ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital noong Marso 22.

Dalawa sa mga ito ang na-admit sa hospital, isa pa ang nanatili pa sa pagamutan habang ang iba pa ay nakalabas na matapos na mabigyan ng medikasyon.

Kasalukuyan nang sinusuri ng mga health expert ang sample ng kabibi na nakain ng pamil­ya upang mabatid kung may katotohanan na ito ang nakalason sa mga biktima.