September 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Arestado ang walong dayuhan dahil sa umano’y nagtatrabaho nang walang working visa sa isang minahan ng tanso at ginto sa Isabela, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pitong Chinese national at isang Taiwanese ay naaresto noong Martes, Setyembre 23, sa isang mining site sa Dinapigue, Isabela ng mga operatiba ng BI sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI).
Hindi pinangalanan ang mga dayuhan na pawang may paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940, partikular sa pagtatrabaho nang walang permit o visa, dahil sa pagiging undocumented, at sa paggawa sa labas ng kanilang petitioning company.
Una nang dinakip ang siyam na Chinese national na pawang overstaying alien dahil sa kawalan ng working visa at mga dokumento para magtrabaho sa isang mining site sa Masbate.
