HD Spikers biyaheng semis | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Nagpasabog si Erika Santos ng 24 points tampok ang 22 attacks para banderahan ang Cignal HD sa 25-20, 25-11, 28-26 pagwalis sa Akari patungo sa semifinal round ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ito ang pang-walong semifinals appearance ng HD Spikers na nakasikwat din ng tiket para sa darating na 2025 PVL Invitational Conference.

Haharapin ng tropa ni coach Shaq delos Santos sa semis ang mananalo sa quarterfinal game ng Nxled at Chery Tiggo bukas sa Pasig City venue.

“Siguro iyong commitment ng team ngayon,” ani delos Santos. “Hindi kami malakas sa totoo lang. Hindi kami iyong team na alam mong napaka-contender, tapos rebuilding pa kami ngayon.”

Nagdagdag si Roselyn Doria-Aquino ng 10 mar­kers at may 18 excellent sets si setter Gel Cayuna.

“Wala namang special sa mga teams since nire-respect namin each teams,” ani Santos na apat na taong naglaro para sa PLDT. “Si­guro back to zero, kung ano iyong mga napagdaanan namin, iyong mga lessons na nale-learn namin sa mga previous games  namin iyon lang siguro.”

Pumalo si Eli Soyud ng 13 points sa panig ng Chargers at may 11 mar­kers si Ced Domingo.

Bumangon ang Cignal mula sa 7-11 agwat sa first set sa paghuhulog ng isang 11-1 bomba sa likod ni Santos para agawin ang 18-12 abante patungo sa 1-0 lead sa Akari.

Itinuloy ng HD Spikers ang arangkada sa second frame para iposte ang 22-8 bentahe mula sa 10-7 pani­mula para sa 2-0 pagbaon sa Chargers.

Binanderahan ni Domingo ang Akari sa third set sa kanilang 17-14 paglayo kasunod ang pagtabla ng Cignal sa 18-18.

Nakadikit ang Chargers sa 26-26 mula kay Grethcel Soltones habang ang magkasunod na crosscourt hit nina Tiamzon at Santos ang kumumpleto sa  pagwalis ng HD Spikers.