MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang hangad ng PLDT at Petro Gazz, habang ipaparada ng Farm Fresh sina Ces Molina at Riri Meneses kontra sa Choco Mucho sa 2025 Premier Volleyball League On Tour.
Magkikita ang High Speed Hitters at Gazz Angels ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Foxies at Flying Titans sa alas-4 ng hapon sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela.
Bumabandera ang Nxled sa Pool A bitbit ang 2-0 record kasunod ang PLDT (1-0), Petro Gazz (1-1), Choco Mucho (1-1), Farm Fresh (0-1) at Galeries Tower (0-2).
Namamayani naman ang Cignal HD sa Pool B sa kanilang 3-0 kartada sa itaas ng Chery Tiggo (2-0), Creamline (2-1), ZUS Coffee (1-1), Akari (1-3) at Capital1 Solar Enery (0-3).
Winalis ng High Speed Hiters ang Foxies, 25-18, 25-21, 28-26, na dumiskaril sa PVL coaching debut ni Italian mentor Alessandro Lodi.
Kumamada sina Kiesha Bedonia at Mika Reyes ng pinagsamang 24 points para sa PLDT.
Itatapat ng Petro Gazz sina Myla Pablo, Jonah Sabete at Joy Dacoron.
Samantala, isasalang ng Foxies sina Molina at Meneses sa pagharap sa Flying Titans.