September 30, 2025 | 12:00am
Para sa back-to-back gold sa FIVB Worlds
MANILA, Philippines — Mahirap na ang mapanalunan ang gold medal ng FIVB Volleyball Men’s World Championship, lalo pa ang makadalawa.
Tinalo ng No. 2 Italy ang No. 9 Bulgaria, 25-21, 25-17, 17-25, 25-10, sa finals sa harap ng 16.429 fans noong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“I’m very happy because two times in a row is very difficult for a championship against incredible teams,” ani tournament MVP at team captain Alessandro Michieletto. “I think that we played better against Poland than today, but okay, it’s no problem. The important thing is to get the gold.”
Nakamit ng mga Italians ang pang-limang ginto matapos noong 1990, 1994, 1998 at 2022 para dumikit sa anim ng nangungunang Soviet Union na naghari noong 1949, 1952, 1960, 1962, 1978 at 1982.
Sa pagdaig sa mga Bulgarians ay humataw si Yuri Romano ng 22 points mula sa 16 attacks, limang service aces at isang block para sa kanilang back-to-back titles.
Nagdagdag si Mattia Bottolo ng 18 markers kasunod ang 11 points ni Michieletto at naglista si setter Simone Giannelli ng 35 excellent sets.
Bago muling magkampeon sa 2025 World Championship ay kumuha muna ang Italy ng silver sa nakaraang FIVB Men’s Volleyball Nations League matapos matalo sa Poland noong Agosto sa Ningbo, China.
“I’m very happy because this summer we reached two medals in the World Championship. I can say we are the best team in the world,” wika ni 6-foot-11 na si Michieletto na hinirang na Best Outside Spiker ng VNL.
Tinapos ng mga Italians ang Pool F sa 2-1 kung saan sila natalo sa Belgium.
Tinalo ng Italy sa Round of 16 ang Argentina bago nakabawi sa Belgium sa quarterfinals at isinunod ang No. 1 Poland sa semifinals para labanan ang Bulgaria sa finals.
Nagpasalamat din ang 29-anyos na Italian setter sa mga Pinoy fans na sinaksihan ang mga laro ng 32 koponan sa world meet.
“You brought a lot of energy for us, you were a key to winning this gold medal. Thank you for your hospitality, thank you for your kindness. I hope to see you soon,” wika ni Giannelli.
