Gilas-Australia rematch possible sa FIBA Asia Cup quarterfinals


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ang nagdedepensang Australia ang nag-aabang sa Gilas Pilipinas kung sakaling makalusot ito sa Saudi Arabia sa qualification papunta sa knockout quarterfinals ng 2025 FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.

Winalis ng Australia ang Group A upang sikwatin ang No. 1 seed at makaabang na sa quarterfinals kontra sa mananalo sa pagitan ng Gilas at Saudi Arabia.

Magtutuos ang Gilas at Saudi Arabia sa alas-12 ng hatinggabi (Manila time) para sa karapatang ha­mu­nin ang Australia na siyang naghari sa nakalipas na dalawang edisyon buhat nang pagsamahin ng FIBA ang Asia at Oceania sa isang torneo na lamang.

Nakaabante sa qualification ang Gilas sa kanilang 1-2 marka matapos ang 66-57 panalo kontra sa Iraq para sa tersera puwesto ng Group D, habang sumegunda sa Group C ang Saudi Arabia hawak ang 2-1 kartada.

Paborito ang Australia (3-0) sa kahit sinong katapat kabilang na ang Gilas matapos domihan ang group stage tampok ang 97-61, 93-80 at 110-82 panalo kontra sa Korea, Lebanon at Qatar, ayon sa pagkakasunod.

Katulad ng Australia, swak na rin kaagad sa quarter­finals ang Iran (Group B), China (Group C) at New Zealand (Group D).

Makakalaban ng Iran, kahit wala na ang sentrong si Hamed Haddadi, ang mananalo sa pagitan ng Jordan at Chinese Taipei.

Ang China naman ang mag-aabang sa magwawagi sa pagitan ng Korea at Guam, habang ang New Zealand ang makakatapat ng lulusuot sa duwelo ng Japan at Le­banon.

Hangarin ng Gilas Pilipinas na makabalik sa quarterfinals kahit pa higanteng Australia ang makakatapat matapos kapusin noong 2022 edition kung saan nagkasya lamang sila sa pang-siyam na puwesto sa unang pagkakataon simula noong 2007.