August 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sasargo ang Gilas Pilipinas ng tiket sa semifinals ng FIBA Asia Cup na ginaganap sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ngunit para maisakatuparan ito, daraan ang Pinoy squad sa matinding pagsubok dahil makakasagupa nito ang two-time defending champion Australia sa alas-7 ng gabi oras sa Manila.
Mataas ang moral ng Gilas dahil naitarak nito ang 95-88 overtime win laban sa host Saudi Arabia upang masiguro ang pag-entra sa quarterfinals.
Inaasahang sasandalan na naman ng tropa sina Justin Brownlee, Dwight Ramos at Kevin Quiambao na siyang umariba laban sa Saudi.
“We’re enthused we have a day to prepare, a day for Justin to rest, Dwight and some of the guys so that’s gonna help us a lot. We didn’t want to really put a lot of preparation on Australia and look past the Kingdom so it was really important for us to focus on this,” ani Gilas head coach Tim Cone.
Ito ang unang paghaharap ng Gilas at Australia sapul ang pagkikita nito noong Hulyo 2, 2018 sa FIBA 2019 Basketball World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nauwi ang naturang laban sa suntukan dahilan para mapatawan ang ilang players ng suspensiyon.
Bangas ang lineup ng Gilas Pilipinas dahil nadagdag sa injury list si CJ Perez na nagtamo ng injury sa kanilang huling laban.
Dinala pa ito sa ospital upang masuri ng husto ang kanyang kalagayan.
Nauna nang nagtamo ng injury si Calvin Oftana dahilan para maiwan sa 10 players lamang ang sasabak kontra sa Australia.