Anak ni Yasmien na na-bully, pinayagan na ulit sa big school


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

August 14, 2025 | 12:00am

Dalawang babae ang anak ni Yasmien Kurdi at asawang piloto na si Rey Soldevilla. Labingdalawang taong gulang na ngayon ang panganay na si Ayesha at mahigit isang taong gulang naman ang bunsong anak na si Raya.

Para kay Yasmien ay talagang kakaibang kaligayahan ang dulot ng mga supling sa kanilang pamilya.

“Masaya ang may baby sa bahay. It’s a chaos. Kasi nando’n siya (Raya) sa age na, palaging magulo ‘yung bahay. Pero kahit magulo, nando’n ‘yung love and happiness ng bahay. Siya ‘yung happy pill namin, si Raya. Si Ayesha is a very good ate. She helps me a lot kasi wala akong yaya eh until now. Nagtutulungan lang kami ni Rey when it comes to kids.

“Like si Rey kay ate Ayesha siya kasi nagho-homeschool si ate, siya ‘yung nagtuturo. Si baby Raya, sa akin naman nakatoka. Tulungan kaming mag-asawa, super happy kami.

Ngayon naghahanap naman talaga ng yaya for the kids sana para makagalaw-galaw din kami. But we try to screen people before papasukin sa bahay. ‘Yung mga kasama namin sa bahay, bumabalik-balik lang sila. Like ‘yung kasama ko ngayon, yaya pa siya ni Ayesha,” nakangiting kwento sa amin ni Yasmien sa Fast Talk with Boy Abunda.

Ilang taon na ang nakalilipas nang mapabalitang nakaranas umano ng pambu-bully ang panganay na anak ni Yasmien sa dating eskwelahan nito.

Ayon sa aktres ay maraming hindi magandang pangyayari ang naranasan ng anak sa dati nitong paaralan.

“I pray for her protection. Siyempre ‘yung anak ko, ayaw kong may masamang nangyayari sa kanila. Ang palagi kong prayer kay Lord, pag-alis pa lang ni Ayesha, ‘Please, please protect my child.’ She experienced a lot of traumatic stuffs in her life. Ang dami niyang pinagdaanan, naaawa lang ako sa anak ko, sobra. And as a mom nandito ako to protect my kids. I don’t care kung ano ang sabihin nila. Kasi ‘yung mental health ng anak ko, ‘yung welfare nila, ‘yon ang palagi kong naiisip. It was about her personality. They were forcing her to change her personality. They ganged up on her. Hinarangan siya sa pintuan ng seven to nine students to change her personality daw. Then to the point she has to say 10 negative things about herself. No. 1, ‘I’m a bad student.’ No. 2, ‘All what I do is wrong.’ No. 3, ‘It’s all my fault,’ ‘I’m a bad role model,’ hanggang no. 10 ‘yon. No. 10, ‘Please, I want to eat.’ Tapos hinarangan na naman. Can’t you understand the words we’re saying? Pumapasok lang ba sa left ear, lumalabas sa right ear? I mean for a kid, na danasin niya ‘yon, naaawa ako sa anak ko. We seek for help, pumunta ako sa school. Hindi lang one time nangyari ‘to. Actually, we already filed a complaint sa Department of Education, pero sana they look into it,” emosyonal na pagdedetalye ng Kapuso actress.

Kinailangan pa raw na mag-therapy ng anak ni Yasmien upang umayos muli ang kondisyon ng bata. Ngayon ay sa malaking eskwelahan na nag-aaral si Ayesha.

“I’m very happy ngayon dahil sa tulong din ng therapy. Nag-therapy siya for six months na tuluy-tuloy. It’s very helpful for her, dahil sa mga panic attacks and anxiety attacks niya. No’ng nag-therapy siya, ang ginawa namin, nag-homeschooling agad siya. I pulled her out right away. I have to protect her. Kailangan tanggalin ko kaagad siya sa environment na ‘yon. Kung toxic, tanggalin na. ‘Yung mga dati kong teachers, tinulungan nila ako. Then ‘yung bata, she has to go back to zero. ‘Yung buong 7th grade, for two months tinapos niya ‘yon.

“Nagkaro’n na kami ng go signal from the therapist na pwede na mag-big school ulit si Ayesha. Kasi she wants to go to volleyball. Kaya no’ng time ng therapy niya, pinag-volleyball namin siya everyday, pinag-hosting, dinamihan ko siya ng activities. Nando’n pa rin ‘yung mga episode na nati-trigger pa rin siya. Kapag may gano’n, we go back to therapy. We’re healing slowly,” pagbabahagi ni Yasmien. (Reports from JCC)