August 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mula sa pagkakasibak sa semifinals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour ay inaasahang babawi ang Creamline sa darating na Invitational Conference.
Idedepensa ng Cool Smashers ang kanilang korona sa PVL Invitational Conference na hahataw sa Agosto 21 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
“Siyempre, everyday dapat talaga nakapag-focus kayo sa training kasi trabaho ‘yan. Hindi naman basta laro lang. Give mo ‘yung 110% sa training,” wika ni Creamline coach Sherwin Meneses.
Natalo ang Creamline sa PLDT, 25-27, 25-22, 25-19, 16-25, 10-15, sa kanilang knockout semifinals match noong Martes.
Inamin ni Meneses na nagkumpiyansa ang Cool Smashers sa kanilang duwelo ng High Speed Hitters.
“Hindi puwedeng magpabaya kasi ‘yung ibang team talagang malalakas na ngayon. Pero ‘yung team naman, pataas din. So, let’s see lang sa mga susunod,” ani Meneses.
Bukod sa Creamline at PLDT ay maglalaro rin sa PVL Invitational Conference ang Chery Tiggo at Cignal HD.
Makakasama nila sa Invitational ang dalawang foreign guest teams na Kurashiki Ablaze at Kobe Shinwa University ng Japan.
