QMB isasama ni Cone sa Gilas Pilipinas


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Desidido si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maisama si Quentin Millora-Brown sa kaniyang tropa para sa mga susunod na international tournaments na lalahukan nito par­­tikular na sa FIBA World Cup Qualifiers.

Kaliwa’t kanan na ang ulat na nabigyan na ng FI­BA ng go-signal si Millora-Brown para makapaglaro bilang local player ng Gilas Pilipinas.

Nauna nang na-identify ng FIBA si Millora-Brown bi­lang naturalized player.

Subalit base sa ulat, uma­pela ang grupo ni Mil­lora-Brown sa FIBA na agad namang inaksiyunan ng world governing body ng basketball.

Kaya naman nagdiwang ang mga Pinoy fans dahil malaki ang maitutulong ni Millora-Brown lalo pa’t nasa rehabilitasyon pa si slotman Kai Sotto na galing sa ACL operation.

Hanga si Cone sa husay ni Millora-Brown.

Personal itong nakita ni Cone nang makaharap ng Gilas Pilipinas ang Ma­cau Black Bears sa isang tuneup game bago umalis ang kanilang tropa patu­ngong Jeddah.

Bahagi ng Macau Black Bears si Millora-Brown.

Tinulungan nito ang University of the Philippines na masungkit ang kam­peonato sa nakalipas na UAAP season.

“He’s awesome. Man, I’d love to have him. He’s phy­sical, he gets to the of­fensive boards real well. Great size,” ani Cone.

Wala pang pormal na sulat na natatanggap ang Sa­mahang Basketbol ng Pilipinas ukol sa desisyon ng FIBA.

Magandang balita ito ilang araw matapos masibak ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.

Kung maaayos ang la­hat ay maaari nang ma­ka­laro si Millora-Brown sa FIBA World Cup Qualifiers sa Nobyembre.

Matinding laban ang ha­harapin ng Gilas Pilipi­nas sa qualifiers dahil ka­grupo nito ang Australia, New Zea­land at Guam.

Maaari na rin itong su­malang sa 2025 Southeast Asian Games sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.