Phoenix tinapik si Wilson bilang kapalit ni Jarin


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

August 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Sasabak sa kanyang kauna-unahang head coaching job ang beteranong manlalaro na si Willy Wilson para sa Phoenix Fuel Masters simula sa PBA Season 50.

Labing apat na taong naglaro sa PBA si Wilson ma­tapos maging No. 15 overall pick ng Alaska noong 2004 hanggang ma-promote bilang long-time assistant coach ng Phoenix.

Naglaro din siya sa Ginebra, San Miguel at Red Bull bago magretiro noong 2018 at maging assistant coach sa Fuel Masters noong 2020 sa ilalim ni Topex Robinson na coach ng La Salle Green Archers ngayon sa UAAP.

Papalitan ni Wilson ang beteranong si Jamike Jarin na humalili kay Robinson noong 2023 at itinalagang team consultant, ayon sa pahayag ng koponan.

“Management believes that coach Willy will be a good fit for the team as it continues to pursue more success in Season 50,” official statement ng Phoenix.

“His experience both as a PBA player and coach will be an instrumental tool as he steers the best out of the Fuel Masters in the coming season.”

Misyon ng 45-anyos na si Wilson na maibalik sa kontensyon ang Phoenix matapos ang sunud-sunod na eliminasyon sa nakalipas na dalawang seasons.

Sa ilalim ni Jarin ay nagkaroon ng makasyasayang semifinal finish ng Fuel Masters noong 2023-2024 PBA Commissioner’s Cup sa pangugunguna ni Johnathan Williams na kinilala bilang Best Import.

Bago ang debut sa 5-on-5 ay si Wilson din ang nag-ti­mon sa Phoenix 3×3 team na Limitless Appmasters sa PBA 3×3 kaya masusubukan ang kalibre niya sa pa­nibago at mas mahirap na misyon.

Babandera para sa Fuel Masters ni Wilson sina ve­teran po­wer forward Jason Perkins, Kai Ballungay, Tyler Tio, Ricci Rivero at Ken Tuffin.