VP Sara nasa Kuwait, dedma sa pala-absent isyu


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Idinepensa ng Office of the Vice President na bahagi ng mandato ang muling paglabas ng bansa ni VP Sara Duterte na bumisita sa Kuwait upang makipagpulong sa overseas Filipinos.

“As part of the vice president’s mandate to represent and advocate for the welfare of all Filipinos, including those overseas, it is essential that she remains actively engaged with the Filipino migrant communities wherever they may be,” ayon sa statement ng OVP.

Iginiit ng OVP na opisyal ang paglalakbay ng Bise Presidente at alinsunod sa batas at naayon sa kanyang res­ponsibilidad sa serbisyo publiko. Wala rin public funds na ginamit sa lahat ng travel overseas.

Matapos ang pagtungo sa Kuwait, inaasahang ang susunod na gagawin ni Duterte ang asikasuhin ang pagpapalaya sa ama na si da­ting Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag pa ng OVP na patuloy na pinagsisilbihan ng VP ang mga Pilipino sa pamamagitan ng main office at 10 satellite offices sa buong bansa.

Nabatid na kinukwestyon ang kanyang madalas na pagbiyahe abroad kasunod ng pag-aresto sa ama ng International Criminal Court (ICC).

Kamakailan lang ay umalma ang Malakanyang sa tugon ni Duterte na ang mga overseas Filipino ay “frustrated” sa kalagayan ng Pilipinas.

“Mapu-frustrate iyong mga kababayan natin abroad dahil ang pangulo po ay nasa Pilipinas, nagtatrabaho, inaayos iyong mga problema at lumalaban sa mga anomalya at korapsiyon. Samantalang ang bise presidente ay madalas na nasa perso­nal trip,” ani Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.

‘’At hindi po sagot ang pagbibiyahe para masolusyunan kung may problema man ang bansa. Hindi po trabaho ng bise presidente at wala po sa Konstitusyon na kailangan­ siyang magbiyahe para siraan ang pangulo at para hilingin sa taumbayan ang pagbagsak at pagtanggal sa puwesto ng Pangulo,’’ ani Castro.