August 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matapos makamit ang kauna-unahan nilang korona ay ang back-to-back titles ang puntirya ng PLDT sa paghataw ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Pinatumba ng High Speed Hitters ang Chery Tiggo Crossovers, 25-17, 25-17, 19-25, 24-26, 15-8, sa kanilang one-game championship match para pagreynahan ang PVL on Tour noong Linggo.
“Celebrate muna for a few days kasi nakakapagod talaga siya (PVL on Tour). Pero kailangan maghanda pa rin,” ani veteran setter Kim Fajardo na naglista ng 25 excellent sets sa nasabing panalo.
Bukas ay muling maghaharap ang PLDT at Chery Tiggo sa kanilang rematch sa pagsisimula ng Invitational Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
“Hindi kami puwedeng magpahinga eh, may game kami sa Thursday, sila din iyon,” sabi ng 31-anyos na three-time UAAP champion setter ng La Salle Lady Spikers.
Nakatakda ang duwelo ng High Speed Hitters at Crossovers sa alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng PVL on Tour third-placer Creamline Cool Smashers at Cignal HD Spikers sa alas-4 ng hapon.
Ang apat na semifinalists lamang ng PVL on Tour ang maglalaro sa Invitational Conference kasama ang mga guest teams na Kurashiki Ablaze at Kobe Shinwa University ng Japan.
Maglalaban ang Kurashiki at Kobe Shinwa sa Sabado sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon sa isang triple-bill sa Pasig City venue.
Ang Cool Smashers ang nagkampeon sa Invitational Conference noong nakaraang taon matapos magreyna ang Ablaze noong 2023.